Add parallel Print Page Options

Ang Tusong Katiwala

16 Nagkwento pa si Jesus sa mga tagasunod niya: “May isang mayaman na may katiwala. Nabalitaan niyang nilustay ng katiwalang ito ang mga ari-arian niya. Kaya ipinatawag niya ang katiwalang ito at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Kuwentahin na natin ang lahat ng ipinagkatiwala ko sa iyo dahil aalisin na kita bilang katiwala.’ Naisip ng katiwala, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Aalisin na ako bilang katiwala. Hindi ko kakayanin ang mabibigat na trabaho tulad ng paghuhukay, at nahihiya naman akong mamalimos. Alam ko na! Gagawa ako ng paraan para tanggapin ako ng mga tao sa tahanan nila kapag inalis na ako sa trabaho ko.’ Isa-isa niyang ipinatawag ang mga may utang sa amo niya. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa amo ko?’ Sumagot ito, ‘100 banga[a] ng langis ng olibo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Maupo ka at isulat mong 50 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa pa, ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘100 sako ng trigo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Isulat mong 80 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. Nang malaman ng amo ang ginawa ng madayang katiwala, pinuri niya ang kanyang katiwala dahil kumilos ito nang may karunungan. Sapagkat mas marunong ang mga taong makamundo kaysa sa mga taong naliwanagan na tungkol sa Dios.

“Kaya sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ninyo sa mundong ito para kapag naubos man ito ay may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang taong mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaking bagay. At ang taong madaya sa maliliit na bagay ay magiging madaya rin sa malalaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng kayamanan na talagang para sa inyo?

13 “Walang aliping makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat tatanggihan niya ang isa at susundin naman ang isa, magiging tapat siya sa isa at tatalikuran ang isa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”

Ang Iba pang mga Itinuro ni Jesus(A)

14 Nang marinig iyon ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus dahil mahal nila ang salapi. 15 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Nagbabanal-banalan kayo sa harap ng mga tao pero alam ng Dios kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso. Sapagkat ang mga bagay na itinuturing ng tao na mahalaga ay kinasusuklaman ng Dios.

16 “Bago dumating si Juan na tagapagbautismo, ang Kautusan ni Moises at ang isinulat ng mga propeta ang siyang sinusunod ng mga tao. At mula nang dumating si Juan, ipinangangaral na ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at marami ang nagpupumilit na maging sakop nito. 17 Pero hindi ibig sabihin na wala nang kabuluhan ang Kautusan, dahil mas madali pang mawala ang langit at lupa kaysa sa mawalan ng kabuluhan kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan.

18 “Ang lalaking hiniwalayan ang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala siya ng pangangalunya. At ang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.

Ang Mayaman at si Lazarus

19 “May isang mayamang lalaki na nakasuot ng mamahaling damit at kumakain ng masasarap na pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing puno ng galis na ang pangalan ay Lazarus. Dinadala siya sa labas ng pintuan ng bakuran ng mayaman. 21 Gusto niyang makakain kahit ng mga tira-tira lang na nahuhulog galing sa mesa ng mayaman. Nilalapitan siya roon ng mga aso at dinidilaan ang mga galis niya. 22 Namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. 23 At habang nagdurusa siya sa lugar ng mga patay,[b] nakita niya sa malayo si Lazarus na kasama ni Abraham. 24 Kaya tumawag siya, ‘Amang Abraham, maawa kayo sa akin! Utusan nʼyo po si Lazarus na isawsaw ang daliri niya sa tubig at ipatak sa dila ko para lumamig-lamig ang pakiramdam ko, dahil hirap na hirap ako dito sa apoy.’ 25 Pero sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong noong nabubuhay ka pa sa lupa ay mabuti ang kalagayan mo pero si Lazarus ay hirap na hirap. Ngayon naman ay inaaliw siya rito at ikaw naman ang nahihirapan. 26 Isa pa, hindi maaari ang sinabi mo dahil may malawak na bangin sa pagitan natin. Ang mga nandito sa amin na gustong pumunta riyan ay hindi makakatawid, at ang mga nariyan sa inyo ay hindi rin makakatawid dito.’ 27 Sinabi pa ng mayaman, ‘Kung ganoon, Amang Abraham, nakikiusap ako sa inyo, papuntahin ninyo si Lazarus sa bahay ng aking ama 28 para bigyan ng babala ang lima kong kapatid na lalaki tungkol sa lugar na ito ng paghihirap, nang hindi sila mapunta rito.’ 29 Sumagot si Abraham, ‘Nasa kanila ang mga isinulat ni Moises at ng mga propeta. Dapat nilang pakinggan ang mga iyon.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sila makikinig doon, amang Abraham. Pero kung may patay na mabubuhay at pupunta sa kanila, magsisisi ang mga iyon.’ 31 Pero sinabi ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang makinig sa mga isinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin sila maniniwala kahit may patay pa na muling mabuhay at mangaral sa kanila.’ ”

Footnotes

  1. 16:6 100 banga: o, 800 galon.
  2. 16:23 lugar ng mga patay: sa Griego, Hades.

Ang Talinghaga ng Tusong Katiwala

16 Sinabi rin niya sa mga alagad, “May isang mayaman na may katiwala. Isinusumbong sa kanya na nilulustay nito ang kanyang mga kayamanan. Tinawag niya ito at tinanong, ‘Ano itong narinig ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’ Sinabi ng katiwala sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayong tinanggal na sa akin ang pangangasiwa? Hindi ko kayang magbungkal ng lupa at nahihiya naman akong mamalimos. Alam ko na ang gagawin ko! Maalis man ako sa pangangasiwa, may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang panginoon. Sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ At sinabi nito, ‘Sandaang tapayan ng langis.’ Sinabi niya naman dito, ‘Kunin mo ang katibayan ng iyong pagkakautang, maupo ka at isulat mo agad na limampu.’ Pagkatapos ay sinabi naman niya sa isa pa, ‘Magkano ang utang mo?’ At sinabi nitong, ‘Sandaang kabang trigo.’ Sinabi niya rito, ‘Kunin mo ang katibayan ng iyong pagkakautang at isulat mo na walumpu.’ Pinuri ng panginoon ang madayang katiwala dahil sa katusuhan nito. Sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay mas tuso sa pamamahala ng kanilang pamumuhay kaysa mga anak ng liwanag. Sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo gamit ang kayamanan ng sanlibutan upang kung maubos na ito ay tatanggapin kayo sa walang hanggang mga tahanan. 10 Ang tapat sa kaunti ay tapat din sa marami at ang hindi tapat sa kaunti ay hindi rin tapat sa marami. 11 Kaya kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng sanlibutan, sino ang magtitiwala sa inyo sa tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng sarili ninyong kayamanan? 13 Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa ngunit iibigin ang isa pa. O kaya naman ay magiging tapat siya sa isa ngunit kamumuhian ang isa pa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi.”

Ang Kautusan at ang Paghahari ng Diyos(A)

14 Ngunit narinig ng mga Fariseong maibigin sa salapi ang lahat ng iyon kaya siya'y kanilang kinutya. 15 Kaya sinabi niya sa kanila, “Nagkukunwari kayong matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang inyong puso. Sapagkat ang pinahahalagahan ng tao ay kasuklam-suklam sa Diyos. 16 Ang Kautusan at ang mga Propeta ay hanggang kay Juan. Buhat noon, ipinangangaral na ang Magandang Balita ng paghahari ng Diyos at nagpupumilit makapasok ang bawat isa. 17 Mas madali pang mawala ang langit at lupa kaysa mawala ang isang kudlit sa Kautusan. 18 Sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at nag-asawa ng iba ay nangangalunya at ang makipag-asawa sa hiniwalayang babae ay nangangalunya rin.

Ang Mayamang Lalaki at si Lazaro

19 “May mayamang tao na nagsusuot ng mamahaling damit at kumakain nang sagana araw-araw. 20 Isang pulubi namang nagngangalang Lazaro ang nakalupasay sa may pintuan ng mayaman. Marami siyang sugat sa katawan. 21 Masaya na siyang makakain mula sa mga nahuhulog sa hapag ng mayaman. Kahit ang mga aso ay lumalapit at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa kandungan ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng pagdurusa niya sa Hades, tumingala siya at nakita niya sa kalayuan si Abraham at si Lazaro sa kandungan nito. 24 Kaya't pasigaw niyang sinabi, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin! Isugo mo si Lazaro upang isawsaw ang kanyang daliri sa tubig at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ 25 Ngunit sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong sa iyong buhay ay nagtamasa ka ng mabubuting bagay, samantalang si Lazaro naman ay dumanas ng hirap. Ngayon siya ay inaaliw dito at ikaw naman ay nagdurusa. 26 Bukod dito, may inilagay na malawak na bangin sa pagitan natin upang ang gustong makatawid mula rito patungo sa inyo ay hindi makatatawid o makatawid mula riyan patungo rito.’ 27 Sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon, ipinakikiusap ko sa iyo Ama, na isugo mo siya sa bahay ng aking ama, 28 sapagkat mayroon akong limang kapatid na lalaki, upang si Lazaro'y magpatotoo sa kanila at nang hindi sila humantong sa lugar ng kaparusahang ito.’ 29 Ngunit sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta. Hayaan mong ang mga kapatid mo'y makinig sa kanila.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi sapat ang mga iyon, Amang Abraham. Ngunit kung isa mula sa mga patay ang magpupunta sa kanila, magsisisi sila.’ 31 Sinabi naman ni Abraham, ‘Kung hindi sila nakikinig kay Moises at sa mga propeta, hindi rin sila makikinig kahit may isang bumangon mula sa mga patay.’ ”