Add parallel Print Page Options

Ang Pagsunod sa Kautusan at ang Pananampalataya kay Cristo

Ano ba naman kayong mga taga-Galacia! Hindi ba kayo makaintindi? Bakit kayo naniniwala sa mga nanlilinlang sa inyo? Hindi baʼt malinaw na ipinangaral ko sa inyo ang kahulugan ng pagkamatay ni Cristo sa krus? Ito ngayon ang gusto kong itanong sa inyo: Tinanggap nʼyo ba ang Banal na Espiritu dahil sa pagsunod sa Kautusan, o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan nʼyo? Talagang hindi nga kayo makaintindi! Nagsimula kayo bilang mananampalataya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, bakit ngayon pinipilit ninyong magpakabanal sa pamamagitan ng sarili nʼyong pagsisikap? Wala na bang halaga sa inyo ang naranasan ninyo? Mawawalan na lang ba ito ng kabuluhan? Hindi baʼt ibinigay sa inyo ng Dios ang kanyang Espiritu, at sa pamamagitan niyaʼy gumagawa kayo ng mga himala? Tinanggap nʼyo ba ito dahil sa pagsunod sa Kautusan o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan ninyo?

Tingnan nʼyo ang nangyari kay Abraham. Ayon sa Kasulatan, “Sumampalataya siya sa Dios, kaya itinuring siyang matuwid.”[a] Malinaw na ang mga sumasampalataya sa Dios ang siyang mga tunay na anak ni Abraham. Noon pa man, sinasabi na sa Kasulatan na ituturing na matuwid ng Dios ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng pananampalataya nila. At ang Magandang Balitang itoʼy ipinahayag ng Dios kay Abraham nang sabihin niya, “Pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa pamamagitan mo.”[b] Sumampalataya si Abraham sa Dios at pinagpala siya. Kaya lahat ng sumasampalataya sa Dios ay pinagpapala rin tulad ni Abraham.

10 Ngunit ang lahat ng umaasang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ay isinumpa na ng Dios. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Isinusumpa ang sinumang hindi sumusunod sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan.”[c] 11 Malinaw na walang taong ituturing na matuwid sa harap ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan dahil sinasabi sa Kasulatan, “Ang taong itinuring na matuwid ng Dios dahil sa pananampalataya niya ay mabubuhay.”[d] 12 Ang Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ang nagnanais mabuhay sa pamamagitan ng Kautusan ay kailangang sumunod sa lahat ng iniuutos nito.”[e] 13 Ngunit hindi natin masunod ang lahat ng iniuutos ng Kautusan, kaya sinumpa tayo ng Dios. Pero ngayon, tinubos na tayo ni Cristo sa sumpang ito. Sinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang sinumang binitay sa puno.”[f] 14 Ginawa ito ng Dios para ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham ay matanggap din ng mga hindi Judio sa pamamagitan ni Cristo Jesus; at para matanggap natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.

Ang Kautusan at ang Pangako ng Dios

15 Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din naman sa mga pangako ng Dios. 16 Ngayon, nangako ang Dios kay Abraham at sa kanyang salinlahi. Hindi niya sinabi, “sa mga apo[g] mo,” na nangangahulugang marami, kundi “sa apo mo,” na ang ibig sabihin ay iisa, at itoʼy walang iba kundi si Cristo. 17 Ito ang ibig kong sabihin: May kasunduang ginawa ang Dios kay Abraham, at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang pangakong ito ay ibinigay niya 430 taon bago dumating ang Kautusan. Kaya ang pangakong iyon ay hindi mapapawalang-bisa o mapapawalang-saysay ng Kautusan. 18 Sapagkat kung matatanggap natin ang pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, walang kabuluhan ang pangako ng Dios kay Abraham. Ngunit ang totoo, ibinigay ng Dios ang pagpapala bilang pagtupad sa pangako niya.

19 Kung ganoon, ano ba ang silbi ng Kautusan? Ibinigay ito para malaman ng tao na nagkakasala sila. Ngunit itoʼy hanggang sa dumating lamang ang ipinangakong apo ni Abraham. Ibinigay ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, at sila ang nagbigay nito sa mga tao sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit ang pangako ay hindi tulad nito. Dahil nang ibigay ito ng Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng tagapamagitan o mga anghel kundi siya mismo.

21 Kung ganoon, taliwas ba ang Kautusan sa mga pangako ng Dios? Hindi! Sapagkat kung ang Kautusan ay makapagbibigay-buhay, ito na sana ang naging paraan ng Dios para ituring tayong matuwid. 22 Ngunit sinasabi ng Kautusan na ang buong mundo ay alipin ng kasalanan. Kaya ang mga sumasampalataya lamang kay Jesu-Cristo ang makakatanggap ng mga ipinangako ng Dios.

23 Noong hindi pa dumarating itong tinatawag na pananampalataya kay Cristo, para tayong mga bilanggo. Binilanggo tayo ng kautusan hanggang sa araw na inihayag ang kaligtasan natin sa pamamagitan ng pananampalataya. 24 Ang Kautusan ay naging tagapag-alaga natin hanggang sa dumating si Cristo, para sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya ay maituring tayong matuwid. 25 At ngayong may pananampalataya na, wala na tayo sa patnubay ng Kautusan na tagapag-alaga.

Mga Anak ng Dios sa Pananampalataya

26 Kayong lahat ay mga anak ng Dios dahil sa pananampalataya ninyo kay Cristo Jesus. 27 Sapagkat binautismuhan kayo sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo[h] at namumuhay kayong katulad niya. 28 Ngayon, wala nang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio, ang alipin sa malaya, ang lalaki sa babae. Kayong lahat ay iisa na dahil kayoʼy nakay Cristo na. 29 At dahil kayoʼy kay Cristo na, kabilang na kayo sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ng mga ipinangako ng Dios sa kanya.

Footnotes

  1. 3:6 Gen. 15:16.
  2. 3:8 Gen. 12:3; 18:18; 22:18.
  3. 3:10 Deu. 27:26.
  4. 3:11 Hab. 2:4.
  5. 3:12 Lev. 18:5.
  6. 3:13 Deu. 21:23.
  7. 3:16 apo: sa Ingles, “descendant.”
  8. 3:27 sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo: o, bilang tanda na kayo ay nakay Cristo na.

Kautusan o Pananampalataya

Nasisiraan na kayo ng ulo, mga taga-Galacia! Sino ba ang gumayuma sa inyo? Maliwanag na ipinahayag sa inyo kung paanong ipinako si Cristo sa krus! Sagutin nga ninyo ito: tinanggap ba ninyo ang Espiritu dahil sa pagtupad ninyo sa mga hinihingi ng Kautusan, o sa pamamagitan ng pananampalataya sa narinig ninyong ebanghelyo? Talaga bang nasisiraan na kayo ng ulo? Nagsimula kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais ninyong magtapos sa sariling pagsisikap? Wala na bang halaga sa inyo ang mga pinaghirapan ninyo? Tiyak kong mayroon! Ipinagkaloob ba ng Diyos sa inyo ang Espiritu at gumagawa ba siya ng mga himala sa gitna ninyo dahil sa mga gawa ninyo ayon sa Kautusan, o dahil sa pananampalataya ninyo sa inyong narinig? Tingnan ninyo si Abraham! (A) “Sumampalataya siya sa Diyos, kaya't siya'y itinuring na matuwid.”

Kaya't dapat ninyong maunawaan (B) na ang mga sumasampalataya ang mga tunay na anak ni Abraham. Sa simula pa ay ipinakita na ng kasulatan (C) na ituturing ng Diyos na matuwid ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Nang una pa man ay ipinahayag na ang ebanghelyo kay Abraham nang sabihing, “Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.” Sumampalataya si Abraham kaya't siya'y pinagpala. Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ni Abraham. 10 Nasa ilalim ng sumpa ang lahat na umaasa sa mga gawa ng Kautusan, (D) sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi tumutupad sa lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” 11 Maliwanag (E) na walang sinumang itinuturing na matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan. Ang kasulatan ay nagsabi, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[a] 12 Subalit (F) ang Kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya. Sa halip, sabi nga ng kasulatan, “Ang tumutupad sa mga hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito.” 13 Subalit si Cristo ay isinumpa para sa atin (G) at tinubos niya tayo mula sa sumpa ng Kautusan. Ayon nga sa nakasulat, “Sumpain ang bawat binibitay sa punongkahoy.” 14 Tinubos tayo ni Cristo upang ang pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay ipagkaloob din sa mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus, at upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay tanggapin natin ang Espiritu na siyang ipinangako.

Ang Pangako kay Abraham

15 Mga kapatid, hayaan ninyong magbigay ako ng isang pang-araw-araw na halimbawa: kapag napagtibay na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-bisa o madadagdagan. 16 Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi ng kasulatan na, “At sa mga binhi,” na nangangahulugang marami, kundi “At sa iyong binhi,” na nangangahulugang isa lamang, at ito'y si Cristo. 17 Ito (H) ang ibig kong sabihin: Ang kasunduan na dati nang pinagtibay ng Diyos ay hindi mapapawalang-bisa ng Kautusan. Ang mga pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan, na dumating lamang pagkaraan ng apatnaraan at tatlumpung taon. 18 Sapagkat (I) kung ang pamana ay nakasalig sa Kautusan, hindi na ito nakasalig sa pangako. Subalit ayon sa kagandahang-loob ng Diyos ay kanyang ipinagkaloob kay Abraham ang pamana bilang katuparan ng kanyang pangako.

Ang Layunin ng Kautusan

19 Kung ganoo'y bakit ibinigay pa ang Kautusan? Idinagdag ito upang ipakita ang mga pagsuway, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang panig lamang ang gumagawa ng kasunduan—at ang Diyos ay iisa.

21 Nangangahulugan bang ang Kautusan ay sumasalungat sa mga pangako ng Diyos? Hindi! Kung may kautusang ibinigay na makapagbibigay-buhay, sana'y ituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng pagsunod niya dito. 22 Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, upang ang pangako ay makamtan ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo.

23 Ngunit bago dumating ang panahon ng pananampalataya ay nasa ilalim tayo ng kapangyarihan ng Kautusan hanggang ang pananampalataya kay Cristo ay mahayag. 24 Kaya't ang Kautusan ay naging tagapagturo natin hanggang dumating si Cristo, upang tayo'y ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya. 25 Subalit ngayong dumating na ang panahon ng pananampalataya kay Cristo ay wala na tayo sa pangangalaga ng Kautusan. 26 Sapagkat kayong lahat ay anak ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo Jesus. 27 Nang kayo'y mabautismuhan kay Cristo, mismong siya ay parang damit na isinuot sa inyo. 28 Wala nang pagkakaiba ang Judio at Griyego, ang alipin at malaya, ang lalaki at babae; kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 29 At (J) kung kayo'y nakipag-isa kay Cristo, kayo'y kabilang na sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ayon sa pangako ng Diyos.

Footnotes

  1. Galacia 3:11 o Ang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.