Add parallel Print Page Options

Sa mga alipin na mananampalataya, dapat igalang nila nang lubos ang mga amo nila para walang masabi ang mga tao laban sa Dios at sa itinuturo natin. At kung mga mananampalataya rin ang amo nila, hindi sila dapat mawalan ng paggalang dahil lang sa magkakapatid sila sa pananampalataya. Sa halip, lalo pa nga nilang dapat pagbutihin ang paglilingkod nila dahil kapwa mananampalataya ang nakikinabang sa paglilingkod nila, at mahal din ng Dios.

Mga Maling Aral at ang Pag-ibig sa Salapi

Ituro mo ang mga bagay na ito at hikayatin silang sundin ito. Kung may nagtuturo man nang salungat dito at hindi naaayon sa tamang turo ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at mga turo tungkol sa pagsunod sa Dios, ang taong itoʼy mayabang pero wala namang nalalaman. Gusto lang niyang makipagtalo na nauuwi lang naman sa inggitan, alitan, paninira, pambibintang, at walang tigil na awayan. Ito ang ugali ng taong baluktot ang pag-iisip at hindi na nakakaalam ng katotohanan. Inaakala nilang ang kabanalan ay paraan ng pagpapayaman. Kung sabagay, daig pa ng taong namumuhay nang banal at kontento na sa kalagayan ang mayaman. Ang totoo, wala tayong dinala sa mundong ito, at wala rin tayong madadala pag-alis dito. Kaya kung mayroon na tayong pagkain at pananamit, dapat na tayong makontento. Ang mga taong naghahangad yumaman ay nahuhulog sa tukso, sa isang bitag ng mapanira at walang kabuluhang mga hangarin na nagdadala sa kanila sa kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ang siyang ugat ng lahat ng kasamaan. Ang sobrang paghahangad ng salapi ang nagtulak sa iba na tumalikod sa pananampalataya at nagdulot ng maraming paghihinagpis sa buhay nila.

11 Ngunit ikaw, bilang lingkod ng Dios, iwasan mo ang mga bagay na iyan. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, banal, may matibay na pananampalataya, mapagmahal, mapagtiis at mabait sa kapwa. 12 Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Dios para sa buhay na ito nang ipahayag mo ang pananampalataya mo sa harap ng maraming saksi. 13 Sa presensya ng Dios na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa presensya ni Cristo Jesus na nagpatotoo sa harap ni Poncio Pilato, inuutusan kitang 14 sundin mong mabuti ang mga iniutos sa iyo para walang masabi laban sa iyo. Gawin mo ito hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Sa takdang panahon, ihahayag siya ng dakila at makapangyarihang Dios, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lang ang walang kamatayan, at nananahan sa di-malapit-lapitang liwanag. Hindi siya nakita o maaaring makita ninuman. Sa kanya ang karangalan at walang hanggang kapangyarihan. Amen.

17 Sabihin mo sa mga mayayaman sa mundong ito na huwag silang maging mayabang o umasa sa kayamanan nilang madaling mawala. Sa halip, umasa sila sa Dios na nagkakaloob sa atin ng lahat ng bagay na ikasisiya natin. 18 Turuan mo silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, at mapagbigay at matulungin sa kapwa. 19 Sa ganoon, makapag-iipon sila ng kayamanan sa langit na hindi mawawala, at matatamo nila ang tunay na buhay.

20 Timoteo, ingatan mo ang mga aral na ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang usap-usapan na ipinapalagay ng iba na karunungan, pero sumasalungat sa itinuturo natin. 21 Dahil sa ganyang pagmamarunong ng ilan, naligaw tuloy sila sa pananampalataya.

Pagpalain ka nawa ng Dios.

Dapat igalang nang lubusan ng mga alipin ang kanilang panginoon upang hindi lapastanganin ang pangalan ng Diyos at ang mga aral. At kung ang amo nila'y kapwa mananampalataya, hindi dapat mawala ang kanilang paggalang dahil sila ay magkapatid sa pananampalataya. Dapat pa nga nilang mas paghusayin ang kanilang paglilingkod dahil ang pinaglilingkuran nila'y mga minamahal na kapatid.

Maling Katuruan at Tunay na Kayamanan

Ang mga ito ang dapat mong ituro at bigyang-diin sa mga tao. Sinumang nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa tunay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo at katuruang naaayon sa banal na pamumuhay, siya ay nagyayabang at walang nalalaman. Mahilig siya sa mga pagtatalo tungkol sa mga salita, na nauuwi sa inggitan, alitan, panlalait, masamang hinala, sa pag-aaway ng mga taong marumi ang pag-iisip, ayaw kumilala sa katotohanan, at nag-aakalang ang banal na pamumuhay ay paraan ng pagpapayaman. Subalit ang banal na pamumuhay na may kasiyahan ay malaking pakinabang. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at pag-alis dito'y wala rin tayong madadalang anuman. Kung tayo'y may pagkain at damit, sa mga ito'y dapat na tayong masiyahan. Subalit ang mga naghahangad yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag ng kahangalan at nakapipinsalang pagnanasa. Ang mga ito ang magtutulak sa tao ng kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalayo sa pananampalataya at nasadlak sa maraming kapighatian.

Ang Mabuting Laban ng Pananampalataya

11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Pagsikapan mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan. 12 Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na siyang dahilan ng pagkatawag sa iyo nang maipahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming saksi. 13 Inuutos ko sa iyo, sa (A) harap ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay, at ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti at may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Ipapakita siya ng Diyos sa takdang panahon, ang Diyos na mapagpala at tanging Makapangyarihan, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan at nananahan sa liwanag na di-malapitan! Walang taong nakakita o makakakita sa kanya. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.

17 Utusan mo ang mayayaman sa kapanahunang ito na huwag silang magmataas o magtiwala sa kayamanang lumilipas at pansamantala lamang. Sa halip ay magtiwala sila sa Diyos na masaganang nagkakaloob ng lahat ng bagay para sa ating kasiyahan. 18 Turuan mo silang gumawa ng kabutihan at maging mayaman sa mabuting gawa, maging bukas-palad at namamahagi sa nangangailangan. 19 Sa ganitong paraan sila makapag-iipon ng kayamanan para sa matatag na bukas upang magkamit ng tunay na buhay.

20 Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang mga pangangatwiran ng huwad na kaalaman. 21 Dahil sa kanilang pagmamarunong, may mga taong nalihis sa pananampalataya.

Pagpalain nawa kayo ng Diyos.[a]

Footnotes

  1. 1 Timoteo 6:21 Sa ibang manuskrito mayroong Amen.